Headlines
Home » Nang minsang kuminang ang Estella

Nang minsang kuminang ang Estella

383002145 703135218528123 5619696255440214069 n

Binabalot ng pagkasabik at punto ng saya ang pagpasok ng tradisyunal na -ber months. Ibinabalik ng mga himig na naririnig sa bawat kanto ang kiliti ng pagiging bata. Tirik pa ang araw, maalinsangan, at nakapapaso pa ang lumiliyab na panahon—malayo sa inaasam-asam na winter wonderland—pero puspos na sa paghahanda ang lahat sa paggawa ng mga palamuting inaayon sa pagdiriwang na inaabangan – ang Paskong Pinoy.

Bukod sa mga nakalaylay na kable ng kuryente, at mangilan-ngilang ibong dumadapo sa mga poste, ay nagsisimula na ring magsulputan ang mga natatanging sumisimbulo sa Paskong Pilipino – ang parol.

Saan ka man lumingon ay tila ba mga bituing nahulog sa lupa ang mga nakasabit na iyon; nagbibigay paanyaya na maghanda na para sa walang kamatayang pagkanta ni Jose Marie Chan at ang pangungulit ng mga batang nagbibigay ng mini Christmas concert sa mga bangketa na lagi’t laging nagtatapos sa linyang, “Tenkyu, tenkyu, ang babait ninyo, tenkyu!”

Kaisa sa mahabang paghahandang ito ay ang Isabela State University-Cauayan City Campus sa taunang pagdaraos nito ng Parol Making Contest na pinangunahan ng Supreme Student Council (SSC) ng paaralan. Naglalayon itong buhayin at isabuhay ng bawat ISUan ang Paskong Pilipino.

Sa pagkakataong ito, ipinamalas ng mga ISUan ang kanilang pagkamalikhain, at ipinahiwatig ang natatangi nilang interpretasyong naaayon sa tema ngayong taon na “Tradition and Innovation”. Ito ay isang hamon na pagsalubungin ng mga kalahok ang bago at ang luma, ang pagbabago at ang kinagisnan. Isang pagsubok sa talentong taglay ng mga natatanging ISUan.

Pinalamutian man ng makukulay na materyales at pinatingkad ng malikhaing disenyo ang mga parol ng mga nagtutunggaling Kolehiyo, ay siya namang hindi maikakaila ang kaba at pagkasabik ng mga kalahok kung kaninong bituin ba ang pinakamagniningning sapagkat hindi matatawaran ang ibinuhos nilang pagsisikap upang mabuo ang kanilang obra maestra.

Ayon sa isa sa mga hurado na si Dr. Aquim Verzon, “May mga competitive na parol entry pero hindi nakasunod sa criteria. Nahirapan kami sa pagpili dahil makikita mo talaga ang effort at uniqueness ng bawat entry.” Patunay ito na naaantala man ng mabagsik na sakuna ng recitation, sanga-sangang reports at ‘di nagtutugmang mga kaisipan, ang tradisyon ng pagpaparol ay nananatiling parte ng kulturang ISUan.

Sa tuwing makakikita tayo ng parol, hindi lamang sana pagdiriwang ang maiwan sa ating diwa. Ang bawat pagningning ng parol ay paalala na hindi nagtatapos sa gabi ang lahat. Bagkus ito ay pahiwatig na may hinihintay tayong bagong bukas.

Ang talang bukod-tanging namutawi sa lahat ay ang likhang parol ng College of Criminal Justice Education (CCJE) nang magningning ito sa tugatog bilang unang nakakamit ng gantimpala. Ang pagbuo ng konsepto ng nasabing parol ay pinangunahan nina Jay Mark Salvador, BSCRIM 4B, Darrell Daguio, BSCRIM 1A, at Jhaniel Baltazar, BSCRIM 1A. Naging katuwang nila sa paglalapat ng palamuti at pag-aayos ng parol ang mga mag-aaral ng CCJE na nagkusang-loob na tumulong.

Sa ayos at disenyo na mula sa pinaghabi-habing balat ng mais at niyog, maaaninag sa parol ang disenyong hango sa mga katutubo lalo pa at ang naging balangkas ng kanilang parol ay yari sa kawayan. Ayon nga sa CCJE SBO President na si Mark Jefferson Corpuz, ang kanilang parol ay sumisimbolo sa pagiging matatag ng Pilipino.

Sa bawat pagtingala sa mga bituing ito, makatatagpo ng abot-kamay na pahinga ang mga ISUan na tila paniking tuwing gabi lumalagari upang malagpasan ang bawat gutom, puyat, pressure, at recitation sa maghapon. Wika nga ni Corpuz, “Naging edge siguro namin sa aming mga kalaban ay ‘yung pag-stick namin sa criteria; at naging maganda ang resulta ng aming obra dahil sa pagsisikap at pagkakaisa ng aming mga kalahok.”

Ito ang tradisyong ISUan — hindi mawari kung saan nagsimula at tiyak na hindi malalaman kung kailan magtatapos. Sa pagsulpot ng mga buwang nagtatapos sa -ber, asahan mo na ang pagbabalik ng mga pangyayaring ito. Balot man sa sigwa ang mundo ng mga hindi mabayarang utang ng bansa, at nag-aalburutong bulkan, tiyak na tuloy ang Paskong Pilipino sa ISU. Sa pagtatapos ng walong buwang paghihintay, asahan mong kikinang muli ang mga tala.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *