Matagumpay na nagkamit ng parangal ang mga mag-aaral ng Isabela State University-Cauayan City Campus (ISU-CCC) mula sa Sangguniang Kabataan (SK) Gala and Awards Night na idinaos sa Isabela Convention (ICON) Center sa San Fermin, lungsod ng Cauayan noong ika-26 ng Nobyembre.
Kabilang sa Ten Outstanding Kabataang Cauayeños (TOKC) sina Rhonel A. Galutera ng Bachelor of Secondary Education (BSEd) at si Bonifacio T. Reyes Jr., dating mag-aaral ng Bachelor of Science in Legal Management (BSLM).
Kaugnay nito, ginawaran naman si Nicolle C. Alipio mula BSEd ng Youth Leadership Excellence Award (YLEA). Ang mga gantimpala na kanilang natanggap ay para sa kanilang naging kontribusyon, paggalang, at pasasalamat bilang mga batang lider na nagdadala ng karangalan at prestihiyo sa siyudad ng Cauayan.
Layunin ng mga tinaguriang Young Sustainable Development Goal (SDG) Heroes na ito ay magsilbi bilang tagapagtaguyod at magbahagi ng kanilang mga proyekto na naglalayong sumuporta sa 17 na mga adhikain ng United Nations’ SDGs.
Ang kanilang isinagawang mga nominasyon ay inaprubahan ng City Youth Development Office at pinangunahan ng Junior Chamber International (JCI) Cauayan Bamboo.
Dinaluhan ang nasabing pagtitipon ng mga bagong halal na SK chairman at mga nagtapos manungkulan bilang SK chairman, JCI Cauayan Bamboo, Local Youth Development Office (LYDO) – Cauayan City, kasama ang mga bisitang pandangal na sina Hon. Caesar “Jaycee” Dy Jr., City Mayor, Hon. Faustino “Inno” Dy V., kinatawan ng ika-6 Distrito ng Isabela bilang Panauhing Tagapagsalita, Arco Meris, Board Member, at mga opisyal at kabataan ng lungsod.
Artikulo ni Nathaniel Puwok
Good